Friday, April 17, 2020

Liwanag sa Dilim

Pag-asa.

Pag-asa na may hangganan ang sakit.
Pag-asa na pangarap ay makakamit.
Pag-asa na tatamis din ang lahat ng pait.


Mahirap panatilihin ang pag-asa sa puso natin kapag tayo ay bulag.
Bulag? Yung hindi nakakakita? Pero bakit patuloy pa rin silang namumuhay? Yung iba pa nga nakakapag trabaho pa.

Anong bulag ang tinutukoy ko?
Bulag ang mata ng puso. Yung hindi na makakita ng liwanag sa madilim na mundo.

Oo, madilim ang mundo. Nabalitaan mo na siguro. Lahat ng kasamaan, kahayupan at karumaldumal na nagaganap sa paligid mo. Pero sa loob-loob mo, alam mong hindi ito dapat nangyayari. May hustisya kang inaabangan. Ngunit ang hustisya, kanino mo iaasa?

Sa sariling mga kamay?
Sa mga kakilala mong nasa pwesto?
Sa mga taong may salapi?
O sa Diyos na tunay na maghuhusga sa huli?

Pero paano yan? Di ba't lahat tayo ay may kasalanan? Hustisya pa rin ba ng Diyos ang ating aasahan? Sigurado na ako ay mapaparusahan.

"Gumagawa naman ako ng mabuti sa kapwa. Nagbigay pa nga ako ng tulong sa nagugutom kahit alam kong ako'y nagugutom rin. Hindi pa ba sapat na kabayaran yun sa maliit na kasalanan? Nag sinungaling lang naman ako kanina. Napag-isipan ko lang naman gawan ng masama yung kasama ko, pero hindi ko naman ginawa. Sa isip lang. Sa salita lang. Pero hindi sa aking mga kamay."

Baka nalilimutan natin na ang Batas ng Diyos at ng tao ay hindi nababayaran ng maraming magandang gawain simula noong tayo'y isinilang. Ano lamang ang solusyon? May hatol na kabayaran. Kung sa batas ng tao ay iba-iba ito, ngunit sa Diyos, iisa lamang: kamatayan. Masyado bang mabigat? Oo, kasi ganoon Siya kabanal.

"Parang ayoko sa ganyang Diyos. Parang hindi ata makatarungan."

Yan ang naging unang kasalanan ng tao. Ang kagustuhan na magdikta kung ano ang tama at mali. Ang kagustuhan na yun ang ginamit ng kaaway para tayo ay malinlang at sumaway sa utos ng Diyos.

"Hindi naman ako ang kumain ng prutas ng puno ng kaalaman ng mabuti't masama."

Pero sa isip mo ba ay gusto mo ikaw ang magbigay ng hustisya sa iyong sarili at sa iyong kapwa?

"Eto dapat ang gawin!"
"Bakit ba hindi na lang ipamigay sa lahat yan?"
"Ikulong nyo yang mga taong pasaway!"

Oo, sa isipan mo lang. Pero minsan lumalabas sa bibig at sa mga kinikilos.


Ngunit paano tayo hihingi ng hustisya kung tayo mismo ang akusado?

Simulan natin sa pag-amin na tayo ay makasalanan rin.

Paano na yan? Lahat ba tayo'y hahantong sa kamatayan?

Eto ang mabuting balita: dumating ang Liwanag sa dilim.

Ang Diyos na Siyang huhusga ang Siya mismong nagbayad para sa kaparusahan.

Dahil sa pagmamahal sa mundo, ang Diyos Ama ang nagbigay sa atin ng Kanyang Anak upang ating maging Panginoon at Tagapagligtas.

Nagkatawang-tao ang Diyos, isinilang ng isang birhen at pinangalanang Hesus.

Namuhay Siya ng walang bahid ng kasalanan, sa isip, sa salita o sa gawa man.

Ang paggawa Niya ng mabuti ay dahil sa pagmamahal. Kahit yung mga mistulang pagsaway Niya sa mga bulag sa katotohanan ay dahil din sa pagmamahal. Maaaring nasaktan sila sapagka't nakakasilaw ang liwanag kapag sanay ka sa kadiliman.

Ang mga ayaw makakita ay hindi Niya pipilitin dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi ka gagawing alipin.

Ngunit gagawa Siya ng paraan para kahit papaano ay Siya'y mapakinggan at tayo'y maliwanagan, tanggapin man natin Siya o iwasan.

Dahil Diyos Siya, alam Niya kung sino ang mga maniniwala, pero binibigyan Niya tayong lahat ng pagkakataong makakita at makarinig ng paulit-ulit. Minsan siguro ay nagsasawa ka na, pero kahit kailan ay hindi Niya nagawang magsawang mahalin ka.

Dumating na nga ang panahon na humarap Siya sa nakakahiyang klase ng kamatayan, dahil Siya lang ang kayang magbayad ng ating kasalanan. Ipinalangin pa nga ni Hesus sa Diyos Ama na sana huwag na ituloy ang plano dahil sa hirap nito, ngunit pinili Niyang sumunod sa kalooban ng Diyos Ama at nagpatuloy.

Inakusahan Siya ng kamatayan kahit na Siya ay inosente. Dumaan Siya sa pinakamatinding pagdurusa.

Ang masakit pa rito ay ang mga taong tinulungan Niya ang sumisigaw na Siya ay ipako sa krus. Nadala sila lahat sa propaganda ng kalaban. Mas pinaniwalaan nila ang kasinungalingan. Ngunit ang hindi alam ng kalaban ay parte ito ng napagplanuhan. Ang plano na iligtas ang mga tao mula sa kaparusahan ng kasalanan: kamatayan.

Habang nakapako sa krus, ay hiniling Niya na tayo ay patawarin dahil hindi natin alam ang ating ginagawa. Dahil ito sa ating kabulagan sa katotohanan.

Bago Siya namatay, sinabi Niya: "Tapos na!"

Alin ang natapos na? Tapos na ang pagbabayad sa kaparusahan ng ating mga kasalanan.

Ibig sabihin ba nito ay malaya na akong gawin ang lahat ng aking naisin dahil hindi na ako mapaparusahan?

Alalahanin natin na sa pagtanggap natin kay Hesus na Tagapagligtas ay Siya ang naging Panginoon ng ating buhay. Sa tingin mo ba ay malulugod Siya sa balak mo gawin? Paano natin malalaman kung ano ang ikakalugod Niya? Basahin natin ang Kanyang Salita at atin itong gawin.

Ito ang tunay na kalayaan: ang kalayaan na gumawa ng mabuti dahil dati tayong alipin ng kadiliman.

At sa paggawa natin ng ikalulugod Niya, nagiging liwanag din tayo sa mundo.

Ang liwanag na ito ang pag-asa na inaasam ng lahat.

Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang lahat dahil kung mapapansin mo, marami pa ring namamatay sa pisikal at maaring tayo ay abutan pa rin nito.

Ito ang tunay na pag-asa na ating inaasam: ang mabuhay ng walang hanggan na walang sakit at may kaluguran. Naging posible ito dahil si Hesus ay nabuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. Hindi lang kapawataran sa kasalanan ang Kanyang binigay, kundi pati na rin ang buhay na walang hanggan sa Kanyang kaharian.

Ang resureksyon ang tunay nating pag-asa. Hindi ito posible kung tayo ay hindi naniniwala. At hindi tayo maniniwala kung tayo ay hindi maliliwanagan ng Katotohanan.

Tayo ngayon ang magbabahagi ng liwanag sa dilim dahil sa Liwanag na ating tinanggap. Abutin natin ang bawat sulok ng madilim na mundo at ibahagi ang liwanag ni Hesus sa lahat ng mapupuntahan.